Corazon Aquino Remembered at EDSA 26

Corazon “Cory” Aquino, the icon of Philippine democracy, continues to live in the hearts and minds of Filipinos who uphold and enjoy the freedom she and the nation fought for during the 1986 EDSA People Power Revolution.

Cory’s son, President Benigno Aquino III, in his speech during the wreath-laying ceremony at the Aquino monuments on the 26th anniversary of EDSA on Saturday, February 25, said her parents, if only they were alive now, probably would have challenged Filipinos to know by heart and put into action the true meaning of EDSA People Power Revolution.

In his message, President Aquino also encourage Filipinos to move forward and take action in protecting the country’s democracy, which was restored through the people power revolt twenty six years ago.

“Ngayong ganap na tayong malaya, ngayong natatanglawan na tayo ng liwanag ng demokrasya, samantalahin na po natin ito: muli nating pag-alabin ang diwa ng EDSA at ipamalas ang bayanihan, tungo sa isang mas maliwanag na kinabukasan,” the President said.

Here’s the full text of President Aquino’s speeches, followed by a video of the 26th Anniversary of the EDSA People Power.

President Aquino’s speech during the wreath-laying ceremony at the Aquino monuments on the 26th anniversary of EDSA, February 25, 2012
Vice President Jojo Binay; Mayor Alfredo Lim; members of the Cabinet present: Secretaries Volts Gazmin, Rene Almendras, Sonny Coloma; Senator Nene Pimentel; Commissioner Cesar Sarino of the EDSA People Power Commission; Archbishop Chito Tagle; Bishop Gabby Reyes; Representatives Asilo, Trisha Bonoan-David; Mayor Junjun Binay; General Manager Jose Angel Honrado; Vice Admiral Alexander Pama; local government officials; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Talagang napakagandang araw po sa inyong lahat.

Nais ko pong magpasalamat sa lahat ng nakikiisa sa atin ngayong umaga sa pag-aalay natin ng bulaklak sa monumento ng aking mga magulang: si Ninoy Aquino at Cory Aquino. Nais man po naming ituring na personal ang pagkakataong ito, batid po nating bahagi na ng kasaysayan ang kanilang mga pangalan.

Naaalala ko pa nga po: nang pumanaw ang nanay ko po noong Agosto 2009, agad pong nag-alok ang dating administrasyon na papatayuan ng rebulto ang aming ina. Tinanggihan po namin ito, dahil alam naming mas gugustuhin pa rin niyang maisaayos ang pamamahala sa bansa, kaysa mapatayuan ng kanyang sariling estatwa. Mas gugustuhin niyang makitang nakatindig ang ating bayan, malaya sa katiwalian at karahasan, kaysa mapatayuan ng sariling rebulto.

May kasabihan nga po iyong mga nakakatanda sa akin: ang sabi po nila, konting bato, konting semento: monumento. May dambana nga sa lansangan, wala namang makain sa pinggan. May estatwa nga sa plaza, wala naman trabaho si Juan. Higit sa anumang rebulto at pagdiriwang, mas maisasabuhay natin ang kadakilaan ng lahat ng bayani ng EDSA kung kikilos tayo para pangalagaan ang kanilang pamana: ang atin pong minamahal na demokrasya.

Ito po marahil ang hamon ni Ninoy at Cory sa atin ngayon: ang araw-araw na isapuso ang diwa ng EDSA People Power Revolution. Noon, milyong-milyong Pilipino ang nagtipon—mapa-sibilyan o alagad ng simbahan—upang tumindig at magkapit-bisig para sa kalayaan. Nagawa nilang harangin ang mga tangke at kanyon, nang walang bitbit na armas kundi pananampalataya at pagmamahal sa kapwa. Taumbayan po mismo ang nanindigan at bumawi sa ipinagkait sa kanilang kalayaan.

Ngayon, matapos ang dalawampu’t anim na taon, malinaw na hindi pa rin tapos ang ating laban. Nitong nakaraang dekada ay muling nabalot sa dilim ang ating bayan, at ngayon, ito na nga po ang nilalabanan at binabago ng atin pong pamahalaan. Sa ilalim ng liwanag ng tapat at mabuting pamamahala, tiwala akong mararating natin ang isang bansang malaya sa korupsyon at kahirapan. Sa tuloy-tuloy nating pagkakapit-bisig sa tuwid na daan, tiwala akong maaabot natin ang isang lipunang malaya sa hudikaturang may dalawang mukha—na may isang sistemang pangkatarungang may pinapanigan, at tungo sa isang balanseng timbangan.

Buo po ang loob ko na kaya nating mapagtagumpayan ang labang ito, na kaya nating makamit ang inaasam nating pagbabago. Anuman pong bigat ang pasanin natin sa ating balikat, hindi po tayo titiklop o magpapatinag. Hangga’t may ngiti tayong naihahatid kay Juan dela Cruz, hindi po tayo mauubusan ng dahilan upang suklian din ng ngiti ang ating paglilingkod sa bayan.

Tandaan lamang po natin: ang trabaho sa pagkamit sa pagbabago ay trabaho ng bawat Pilipino—hindi lamang po ni Ninoy at ni Cory Aquino. Ngayong ganap na tayong malaya, ngayong natatanglawan na tayo ng liwanag ng demokrasya, samantalahin na po natin ito: muli nating pag-alabin ang diwa ng EDSA at ipamalas ang bayanihan, tungo sa isang mas maliwanag na kinabukasan.

Kayang-kaya po natin ito. Tara na po, Pilipino!

Maraming salamat po. Magandang araw po sa lahat.
Message of President Aquino on the 26th anniversary of the EDSA People Power Revolution, February 25, 2012

Dalawampu’t anim na taon na ang nakalipas mula nang pangunahan ng milyun-milyong Pilipino ang isang mapayapang pagbabago. Nagkaisa ang buong sambayanan upang wakasan ang diktadurya hindi gamit ang bala kundi gamit ang panalangin at pagkakaisa.

Ang mala-himalang tagumpay ng People Power ang nagpasimula sa pagtatama ng mali at panunumbalik ng kalayaan at demokrasya. Makalipas ang mahigit dalawa’t kalahating dekada, malayo na ba ang pagkakaiba natin sa nagisnang sistema? Malinaw po: hindi pa tapos ang labang inumpisahan sa EDSA.

Nang iminungkahing tumakbo ako bilang pangulo, tinanggap natin ang hamon sa paniniwalang may magagawa tayong makabuluhang pagbabago.

Hanggang saan na nga ba ang narating natin sa pagbagtas sa tuwid na landas? Hayaan po ninyong maglatag ako ng ilang halimbawa ng nagawa nating mga reporma.

Sa Conditional Cash Transfer, nakakapagpacheck-up na ang mas maraming Ina, at nakakapag-aral na ang mas maraming bata. Namumuhunan tayo sa kinabukasan ng pamilyang Pilipino. Dahil sa kanilang pagtatapos, may dagdag na silang kakayahan na magkakaloob sa kanila ng tiyak na pagkakakitaan. Tulad ng sinabi ng aking ama, ang unang kalayaan ay kalayaan mula sa gutom. Mulat tayong sa pagtugon natin sa pagkalam ng sikmura ng ating mga kababayan, binibigyan natin sila ng kakayahang makilahok at makibahagi sa pagpapaunlad ng bansa.

Maliban sa edukasyon, kalusugan, at pagsisigurong may naihahain sa hapag-kainan ang ating mga kababayan, isinakatuparan din natin ang programa nating pabahay. Sa pangunguna ng National Housing Authority, nakapagpatayo na tayo ng libu-libong tahanan para sa ating mga sundalo’t kapulisan, pati na rin sa mga kababayan nating nakatira sa mga peligrosong lugar. Pinapagaan natin ang gastusin ng ating mga sundalo’t pulis, lalo na sa pagbabayad ng mahal na upa sa bahay.

Para sa 2012, sakop na rin ng ating programang pabahay ang mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire and Protection, at Bureau of Corrections, hindi lamang sa Luzon, kundi pati na rin sa Visayas at Mindanao.

Pinapaunlad na rin po natin ang sektor ng agrikultura. Tinitiyak nating ang bawat binhing diniligan nila ng pawis at sakripisyo ay umaani ng ginhawa para sa kanyang pamilya at kapwa Pilipino. Dahil sa sipag ng ating mga magsasaka at sa tulong ng mga ahensya, tiwala akong bukas-makalawa, ‘di na tayo aangkat pa ng bigas mula sa ibang bansa.

Pag-usapan naman po natin ang ating mga kagubatan. Marami nang nagsabing ipinagtatanggol nila ang kalikasan, subalit panay photo-ops at pagpapapogi lang naman ang nagagawa. Sa daang matuwid, agad tayong lumikha ng kaukulang programa para sa reforestation at pinigilan ang ilegal na pagtotroso. Kaakibat nga po ng programang ito ay isang conditional cash transfer program kung saan ang kundisyon ay ang pagbabantay nila sa ating mga punong itinanim. Bilang kapalit, tutulungan naman sila ng gobyernong magtanim ng kape at cacao, at pagbenta nito sa merkado. Ang punong kahoy na dati ay itinuturing lamang nilang uling ay kanila na ngayong aalagaan bilang susi sa kanilang kaunlaran.

Sa ika-28 ng Pebrero, lalo pa nating paiigtingin ang log ban sa natural forests upang maiwasan ang malawakang pagbaha at pagguho ng lupa na humahantong sa pagkawasak ng maraming buhay at ari-arian.

Pinapatunayan natin, sa mabuting pamamahala, nakakapagdulot tayo ng liwanag ng pag-asa sa ating bansa. At literal din tayong nagbibigay ng liwanag sa ating mga kababayan.

Iniwan sa atin ng nakaraang administrasiyon ang halos 36,000 sitio na nasa dilim. Nang ipinaalam ito sa atin ng Department of Energy at National Electrification Administration sa huling bahagi ng taong lumipas, kailangan daw nila ng isang milyong piso upang mailawan ang bawat sitio. Upang masubukan ang kakayahan nila, naglaan tayo ng P1.3 billion para sa 1,300 sitio. Sa husay ng DOE at NEA, P814 million lamang ang kinailangan nila para pailawan, hindi lamang ang 1,300 na sitiong ipinangako, kundi ang 1,520 na sitio. Maliban sa nalampasan po nito ang ating target, may P500 million pa tayong natipid na maidadagdag pa natin sa P2.5 billion na pondo ngayong taon para mabawasan ang mga sitiong naiwanan sa kadiliman. Panata po natin, walang sitio ang maiiwan sa kadiliman.

Ipinapakilala natin sa mundo ang bagong Pilipinas at ang mataas na kompiyansa nating umasenso. Kasabay naman ng pagsasaayos ng imprastraktura, itinataguyod natin ang patas na sistema para sa mga negosyante. Alam nating katumbas ng ipapatayo nilang negosyo, ang pagbubukas ng oportunidad para sa mga Pilipino. Patunay nga po sa kompiyansang tinatamasa natin ngayon ang pagbuhos ng investments

na naitala ng Philippine Economic Zone Authority sa ilalim ng ating administrasyon. Nito nga pong 2011, nakamit natin ang pinakamataas na investments sa PEZA sa halagang P288.3 billion. Hindi po barya ito, at ‘di rin biro ang pakinabang ng taumbayan dito. Mantakin po ninyo: Sa kabuuang P2.003 trillion na kita ng PEZA mula 1995 hanggang nitong nakaraang linggo, P439 billion po nito ay pumasok sa panahon ng ating panunungkulan. Samakatuwid, sa loob ng labing-anim na taong kasaysayan ng PEZA, dalawampu’t dalawang porsyento ng kabuuang investment dito ay inilagak sa loob ng ating labingwalong buwang pamumuno.

Sa ating administrasyon, labing-anim na beses na tayong nakapagtala sa all-time high sa Philippine Stock Exchange Index. Dati, halos imposible ang pag-abot ng 4,000 stock index. Pero ngayon, pangkaraniwan na po natin itong hinihigitan, at malapit na po nating makamit ang 5,000 sa Philippine Stock Exchange Index. Sa ganitong estado, tuloy-tuloy ang pasok dito ng mga namumuhunan.

Marahil may ilan pong nagtatanong: pinagbibigyan lang naman yata tayo o baka naman ako lang ang nagsasabi nito. Ang sagot natin: kaliwa’t kanan ang patunay na hindi tsamba ang ating mga tagumpay.

Ayon sa pag-aaral ng Japan External Trade Organization, napakataas ng competitiveness natin kung kalidad at gastos sa pagnenegosyo ang pinag-uusapan, pati na rin sa paghahanap ng mahuhusay na manggagawa. Ibig sabihin, kapag pumipili ang mga negosyante

ng bansang maganda at maaliwalas mamuhunan, Pilipinas po ang nangunguna sa kanilang listahan.

Talaga naman pong umaani ng positibong tugon sa mga negosyante ang ating mabuting pamamahala, na nagreresulta sa mabilis na paglago ng ating ekonomiya. Nitong Enero lamang, nakapagbenta tayo ng 1.5 billion dollars sa U.S. denominated bonds. Ibig sabihin, nitong ika-24 ng Pebrero, ang interes na binabayaran natin sa ating utang ay mas mababa na raw kaysa sa Espanya at halos katumbas naman ng sa Italya.

Patunay ito sa tiwala at kompiyansang ipinagkakaloob sa atin

ngayon ng mga international financial markets. Napipitas na natin ang mabubuting bunga ng ating pagsusumikap. Kasabay ng ating pagbabalik-tanaw sa EDSA, patibayin natin ang ating pagkakaisa sa pagtataguyod ng mga reporma. Ang martial law ay nag-ugat, hindi lamang sa ganid na diktaturya: bunga ito ng pananahimik sa panawagang itama ang maling sistema. Kung hindi kayo makikiisa ngayon, muling mangingibabaw ang sistemang wang-wang, kung saan hindi magkamayaw ang mga tiwalai sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Mulat tayo sa gustong mangyari ng mga kontra sa atin pong agenda: Sirain ang ating pagkakaisa, at magpakasasa habang ang marami ay nagdurusa.

Hindi po ako papayag na muling apihin ang mga Pilipino. Nasa atin na ang pagkakataon, samantalahin natin ito. Pagkalipas ng dalawampu’t anim na taon, muli tayong tinatawag na manindigan para sa kinabukasan. Nakataya dito ang kinabukasan ng ating bayan. Tara na Pilipino, tapusin natin ang laban ng EDSA.

Maraming salamat po.